ABS-CBN Foundation nagbigay tulong sa mga Surigaonon

ABS-CBN nakiisa sa Community Pantry Movement

Nagbigay tulong ang ABS-CBN Foundation sa mga taga-Surigao del Sur ng ayuda na pantawid sa pandemya, at dagdag tulong sa mga nasalanta ng bagyong Auring.

Nakapagbigay ang ABS-CBN Foundation ng mga relief packs sa munisipyo ng Lanuza at sa 158 na pamilya sa Sitio Ibuan, isang indigenous people’s community sa  Barangay Mampi, pati na sa 90 pamilya sa Sitio Himatagan sa Barangay Agsam.

Kwento ng magsasakang si Eudes Duaso sa ABS-CBN News, hirap silang magbenta ng mga produkto sa bayan dahil sa quarantine, kaya naman lubos na apektado ang kaniyang hanapbuhay. Kung noon kumikita siya ng P20,000 kada buwan, ngayon halos wala na silang pambili ng pagkain. 

Sa pakikipagtulungan ng ABS-CBN, nabigyan ng binhi ang mga taga-San Miguel, matapos silang maapektuhan ng abot-dibdib na pagbaha dahil sa bagyong Auring noong Pebrero, nailapit din sa DSWD ang panawagang ng mga mamamayan ng San Miguel na mabigyan ng financial assistance ang mga nawalan ng tirahan dulot ng bagyo, at nakapaghatid ng tulong at ligtas bags sa higit 400 pamilya sa lugar.

Ikinuwento ng residenteng si Teodoro Montero sa “TV Patrol” na nawasak ang kanyang bahay ng bagyo. Ang magsasaka rin na si Jasmine Llana, nalubog ang palayan ng baha at putik sa report ng “TV Patrol.”

Nakadama rin ng Kapamilya love ang mga tourism worker sa munisipyo ng Cagwait sa pamamagitan ng pamimigay ng ABS-CBN ng relief packs sa mga trabahante ng 18 resort.

Dahil sa umiiral na community quarantine, matumal ang pasok ng turista at humina ang kita ng tourism workers tulad ng surfing instructors at tour guides.

“Sobrang tuwa po dahil kahit wala na kayo sa ere, patuloy ang inyong suporta sa mga tao. Kahit ang layo layo na namin sa Manila, pumunta kayo,” ani ng Suriganon mula sa San Miguel na si Japol Montero sa isang panayam sa “TV Patrol.”

Naging posible ang paghatid ng tulong at pag-asa sa mga mamamayan dahil sa donors ng “Pantawid ng Pag-ibig: Pilipino para sa Pilipino” ng ABS-CBN Foundation na patuloy pa ring tumatanggap ng donasyon. 

Kabilang sa tulong na hatid ng “Pantawid ng Pag-ibig: Pilipino Para sa Pilipino,” ang pagbukas ng community pantry na nakiisa ang ABS-CBN Foundation noong Huwebes (Abril 22) sa may Eugenio Lopez Drive sa labas ng gate ng ABS-CBN compound.

Naglalayon ito na matulungan ang mga kababayan nating walang kakayahang bumili ng pagkain. Bukas ito mula 8 am hanggang 12 ng tanghali, Lunes hanggang Sabado. Sisikapin din ng naturang Foundation na mamigay ng bigas at canned goods sa 10 community pantries araw-araw sa Metro Manila.

Para sa updates sa mga proyekto, sundan ang ABS-CBN Foundation (@abscbnfoundationinc) sa Facebook. Para naman sa Kapamilya updates, i-follow ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, at Instagram, o pumunta sa abs-cbn.com/newsroom.    

Related Articles

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Back to top button