Fans can Chat live cast “Ang sa Iyo ay Akin”

Mula sa kanilang mapangahas na mga karakter sa serye, masayang kwentuhan naman ang hatid ng mga bida ng “Ang Sa Iyo Ay Akin” sa “Ang Sa Iyo Ay Akin: Unscripted,” kung saan kasabay nilang nanonood at nakakausap nang live ang mga fans tuwing Lunes at Biyernes sa Kapamilya Online Live.

Ipinapalabas ang “Ang Sa Iyo Ay Akin: Unscripted” tuwing commercial gap ng serye sa Kapamilya Channel, kung saan ipinapakita ang mga reaksyon ng cast at maging ang mga kwento sa likod ng kamera tungkol sa mga eksena. May mga pagkakataon din silang kamustahin at sagutin ang ilan sa mga tanong ng fans na nakatutok sa livestream.

Unang ginanap ang “Ang Sa Iyo Ay Akin: Unscripted” noong pilot episode ng serye, na sumorpresa sa libo-libong nakatutok sa Kapamilya Online Live. Kasama rito sina Jodi Sta. Maria, Sam Milby, at Iza Calzado na ikinuwento ang kanilang mga karanasan sa paggawa ng serye at nagbahagi ng kanilang taos-pusong pasasalamat para sa mainit na pagtanggap ng mga manonood.

Tuloy-tuloy nga ang pag-arangkada ng “Ang Sa Iyo Ay Akin” online dahil bukod sa pagiging unang Kapamilya digital teleserye, gabi-gabi rin itong trending sa social media dahil sa makapigil-hiningang mga eksena nito.

“Ang tagal kong hindi nakapanood ng ABS-CBN teleserye. The ‘Ang Sa Iyo Ay Akin’ is one of their best dramas tapos brilliant pa ang actors. Galing,” tweet ng netizen na si @isaiahsinio_.

Reaksyon naman ng fan na si @CG14635141, “Grabe ang ganda ng Ang Sa Iyo Ay Akin. Congrats to Iza and Jodi. Ito ‘yung teleserye na hindi na napapanood sa free TV. But I love this new platform.”

Sabi naman ni @MShynh, “I just love how Jodi Sta. Maria is attacking her role in ‘Ang Sa Iyo Ay Akin’! The aura is so different. The character transformation is too fast but the story is getting interesting now that Marissa is back IN THE FLESH with bitterness.”

Samantala, patuloy si Marissa (Jodi) sa kanyang plano ng pagganti kay Ellice (Iza), at sa kasamaang palad, naging kapalit nito ay ang batang nasa sinapupunan ng huli. Sa kabila ng naramdamang pagkaawa sa dating kaibigan, magbubukas naman ito ng pinto sa patuloy na pagsira ni Marissa sa relasyon nina Ellice at Gabriel (Sam).

Hanggang kailan nga kaya patuloy na mahuhulog si Ellice sa mga plano ni Marissa?

Ang “Ang Sa Iyo Ay Akin” ay sa ilalim ng direksyon nina F.M. Reyes at Avel Sunpongco, at produksyon ng JRB Creative Production.

Abangan ang “Ang Sa Iyo Ay Akin” pagkatapos ng “FPJ’s Ang Probinsyano” sa Kapamilya Channel at Kapamilya Online Live. Para sa updates, sundan lamang ang ABS-CBN PR sa Facebook (fb.com/abscbnpr), Twitter (@abscbnpr), at Instagram (@abscbnpr).

Related Articles

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Back to top button